Migrante at mamamayan, salubungin ng protesta ang APEC 2015!

junk apecGabay sa Pagtalakay, Inihanda ng Migrante International, Oktubre 2015

Ano ang APEC?
Ang Asia Pacific Economic Cooperation o APEC ay organisasyon ng 21 bansa sa kalakhang Asya-Pasipiko. Bukod sa mga bansa sa Asya-Pasipiko, kabilang din sa APEC ang US, Japan, China, Russia, Canada at Australia – mga bansang may pinakamalalaking negosyo at pamumuhunan sa rehiyon. Itinatag ito noong 1989 sa layuning buuin ang “kooperasyon” ng mga kasaping bansa para diumano sa “paglago ng ekonomiya” sa buong rehiyon. Nahahati ang malaking porsyento ng yaman at ekonomiya ng daigdig sa mga kasaping bansa ng APEC – 40% ng populasyon ng daigdig, 50% ng pandaigdigang kalakalan at 60% gross domestic product ng buong mundo.

Unang pinatawag ng US ang economic leaders meeting (ELM) ng APEC noong 1993 bilang susog sa Uruguay Round ng World Trade Organization (WTO) sa kabila ng mariin at nagkakaisang pagtutol ng mga maliliit na bansang kasapi nito. Ginamit ng US ang APEC bilang behikulo upang pagtibayin ang mga programang tinututulan ng mga maliliita na bansa sa WTO. Pangunahing layunin ng APEC ang pagtutulak ng mga patakarang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at de-nasyunalisasyon – mga neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon na nagsisilbi lamang sa interes ng mga malaking bansang tulad ng US, Japan at China.

Nang idaos ang APEC Summit sa Pilipinas noong 1996, pinagtibay at sinuportahan ng US at iba pang imperyalistang bansa ang programa ni noo’y Pang. Fidel Ramos na “Philippines 2000” na nangako ng pang-ekonomiyang pag-unlad at ang paghirang sa bansa bilang isang Newly-Industrializing Country o NIC. Sinalubong ito ng dambuhalang mga protesta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan at buong daigdig at hinirang na instrumento ng imperyalista at mga lokal na burgesya upang panatilihin ang paghahari ng imperyalistang US sa pandaigdigang ekonomiya.

Dalawampung taon matapos ang huling APEC Summit dito sa Pilipinas, nasaan na ang ipinangakong kaunlaran? Sa halip na malutas ang malawakang kahirapan, kawalang-trabaho, kawalang-lupa at serbisyong panlipunan, lalong nasasadlak ang mamamayang Pilipino at daigdig sa busabos na kalagayan, habang ang mga mayayamang bansa ay nagpapakasasa sa likas-yaman at lakas-paggawa ng mga mahihirap na bansang tulad ng Pilipinas.

Ano ang lalamanin ng gaganaping APEC ELM ngayong Nobyembre?
Ngayong darating na Nobyembre 18-19, gaganaping muli sa Pilipinas ang taunang Economic Leaders Meeting (ELM) ng APEC sa Maynila. Nagsimula na ang mga serye ng pre-meetings, senior leaders meetings at ministerial meetings ng APEC sa iba’t ibang syudad sa bansa noong Disyembre 2014 pa.

Noong 1994, inilabas ng APEC ang deklarasyon ng Bogor Goals na lantarang nagtutulak ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan (investment) sa rehiyon hanggang 2020. Mula noon, ginamit na ng US at iba pang malalaking bansang imperyalista ang APEC sa pagsusulong ng mga neoliberal na mga patakaran sa mga maliliit na bansa. Tiyak na pangunahing agenda pa rin ng gaganaping ELM ngayong darating na Nobyembre ang pagsusulong ng interes na ito.

Para sa taong 2015, ang tema ng APEC ay “Building Inclusive Economies, Building a Better World”. Gamit ang mga mabulaklak na terminong tulad ng “inclusive growth”, “human capital development”, “small and medium enterprises” at “resilient communities”, layunin ng APEC na higit pang mapatindi ang pagkubabaw ng interes ng monopolyo kapitalismo sa lakas-paggawa, ekonomiya at maging sa small and medium enterprises.

Kabilang din sa mayor na agenda ng APEC ang Regional Economic Integration(REI) na pagsisilbihin naman para isulong ang ibayo pang pagtalima ng buong Asya Pasipiko sa neoliberal na globalisasyon. Kabilang sa balangkas ng REI ang:

(i) Free Trade Area of the Asia Pacific (FTAAP) – na magtutulak sa mga kasunduan para sa “integrasyon” alinsunod sa layunin ng mga sunud-sunod na nabigong mga pagpupulong ng WTO, mula Uruguay hanggang Bali. Ilan sa mga patakarang mariing tinututulan ng mga mamamayan ng maliliit na bansa ang ibayo pang pagtatanggal ng mga regulasyon sa mga angkating produkto at ang pagluwag sa tariff.

(ii) Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA) – isang mabangis at mapaminsalang kasunduang ibayo pang magbubuyangyang sa ekonomiya ng mga maliliit na bayan sa mga atake ng imperyalismo alinsunod sa US Pivot to Asia. Bahagi ng TPPA ang pagbabago o repaso sa mismong mga batas ng mga bansa upang umayon sa interes ng mga imperyalistang bayan sa ekonomiya at pulitika, tulad ng di mamatay-matay na panukalang charter change sa Pilipinas. Kung maaprubahan, ang TPPA ang magiging pinakamalaking rehiyunal na trade agreement sa buong mundo.

(iii) Ang bansang Tsina naman ay nagtutulak din “Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP)” – sariling bersyon nito ng FTAAP na layuning “tapatan” ang pamamayani ng US sa rehiyon.

Dahil dito, ang paparating na APEC ay nagiging larangan hindi lamang ng kutsabahan kundi paligsahan at palakasan din ng mga malalaking kasaping bansa, partikular sa pagitan ng US at Tsina, sa kapinsalaan ng maliliit at naghihirap na mga bansa.

Sa darating na APEC ELM sa Nobyembre 18-19, tiyak ding ipagmamalaki ng mga lider ng mga nasyon ang diumano’y pagbaba ng “trade barriers” mula 16.9% noong 1989 tungong 5.8% noong 2010. Ipagmamalaki ring tiyak ang pagkakaroon ng nasa 140 “free trade agreements” sa rehiyon.

Sa kabila nito, kailangang mailantad na mahigit na 200 milyon ang walang trabaho sa buong mundo, 2.7 bilyon ang naghihirap (impoverished) at 808 milyon ang nagugutom. Samantala, nananatiling nakakonsentra sa 1% ng populasyon ng daigdig ang higit kalahati sa kabuuang yaman ng mundo at katumbas lang ng yaman ng 80 pinakamayayamang tao ang kabuuang yaman ng nakabababang 50% ng populasyon ng daigdig.

Bakit dapat tutulan at malakas na labanan ng migrante at mamamayan ang darating na APEC ELM?
Napatunayan na ng dalawang dekada ng APEC na kasangkapan ito ng mga imperyalistang bansa upang ipagpatuloy ang pagsasamantala at paghahari sa mga maliliit na bansa at sa buong daigdig. Sa panahon ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya, naipapasa ng mga imperyalistang bansang tulad ng US ang krisis sa kanilang bayan sa mga maliit na bansa sa pamamagitan ng mga kasunduan sa loob ng APEC.

Bagamat “boluntaryo” at “konsenswal” ang mga kasunduan sa loob ng APEC, sa pamamagitan ng mga rehiyunal, ministeryal at bilateral na mga kasunduan ng mga kasaping bansa, naipatutupad ang mga neoliberal na patakaran sa migrasyon. Isang matingkad na halimbawa ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o (JPEPA) kung saan pinayagan ng Pilipinas ang pagtatambak ng toxic waste ng Japan at walang-taning na access (unlimited access) sa mga kagamitang industriyal ng bansa kapalit ng pagbubukas ng mga “job order” para sa mga Pilipinong health worker sa Japan. Ang JPEPA ang kauna-unahang kasunduan sa kasaysayan ng labor export ng Pilipinas na ginamit ang migrante manggagawa bilang “bargaining chip” sa isang tratado.

Gayundin, dahil hindi kailanman totoong may “malayang kalakalan” at “malayang pamilihan” at “kooperasyon” sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at mga pinaghaharian nito, nagagamit ang APEC upang selyuhan ang mga kontra-mamamayang mga patakaran sa “trade in labor”. Sa TPPA, halimbawa, iwinawasiwas ang “better labor mobility” bilang isa sa mga “haligi” ng naturang kasunduan. Kinakatangian ang “labor mobility” ng higit pang pagpapadulas ng pagpapatupad ng labor export sa pagitan ng mga kasaping bansa, pagbubukas na mas malaking “market” para sa “cheap labor” ng mga migranteng manggagawa, at pagpapatupad ng tinaguriang “employable labor standards” na nakakiling sa interes at dikta ng mga “migrant-receiving” kaysa “migrant-sending” na mga bansa. Dahil nakatuntong sa ibayo pang liberalisasyon ng industriya ng migrasyon, kapalit ng kasunduang tulad ng TPPA ang mas masahol na pagbaratilyo sa mga migranteng manggagawa.

Sa sektor ng migrante, malaon nang isinisigaw ang pagtutol at paglaban sa APEC at mga neoliberal na patakarang itinutulak nito:

(i) Dahil sa malawakang deregulasyon at liberalisasyon, nagresulta ito sa ibayong kawalan ng trabaho, lupang sakahan at serbisyong panlipunan na siyang nagtutulak sa milyong migrante sa pwersahang migrasyon;
(ii) Nagresulta ito sa mas mababangis at pinalawig na pagpapatupad ng patakarang labor export ng mga bansang tulad ng Pilipinas bilang tugon ng gobyerno sa malawakang kawalan ng trabaho;
(iii) Nagresulta ito sa mga kontra-migranteng patakaran at batas, tulad ng “austerity measures” (budget cuts) upang pondohan ang mga bailout o di kaya’y pagluluwag sa mga regulasyon sa mga pribadong kumpanya at/o recruitment agency sa ngalan ng labor export;
(iv) Nagresulta ito sa mas maraming “state exaction” at pagbubuwis dahil sa malawakang pribatisasyon ng batayang mga serbisyo at utilidad (halimbawa, mandatory insurance, pagtaas ng singil sa terminal fee, pagtaas ng singil e-Passport, at iba pa)
(v) Habang binabawasan ang responsibilidad ng gobyerno sa pagbibigay ang welfare at proteksyon para sa mga migrante (hal., OOP, kawalan ng sustainable reintegration program, kawalan ng mga benepisyo, atbp);
(vi) Nagresulta ito sa mga kontra-migranteng mga patakaran, laluna sa host countries, tulad ng ibayong diskriminasyon, xenophobia, ibayong pagbaba ng mga sahod at kawalang benepisyo at pagtitibay sa mga trabahong 3D (dirty, dangerous, demeaning) para sa migranteng manggagawa sa ngalan ng labor export;
(vii) Dahil sa epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya, nagiging bulnerable o biktima ang mga migrante sa mga pinahigpit na immigration at labor policies (hal., Saudization, Mos Maiorum sa Europa, EPS sa South Korea, EU Return Directive, TFW Program sa Canada at iba pa), at nagresulta sa kriminalisasyon ng mga migrante at/o malawakang retrenchment (tanggalan) sa mga naluluging industriya sa host countries ng mga migranteng manggawa;
(viii) Nagresulta ito sa mas maraming mga paglabag sa karapatang-tao ng mga migrante at pamilya, laluna kapag sila ay naiipit sa mga imperyalisatang gerang agresyon.

Sa pamamagitan ng APEC, pinagtibay ang ibayo pang komodipikasyon ng lakas-paggawa ng migranteng manggagawa sa pamamagitan ng neoliberal na patakarang labor export. Tumindi ang “trade in human labor” sa iba’t ibang porma, kabilang na ang laganap at mas masidhing human trafficking na isa nang pinakapinagkakakitaang (most lucrative) industriya sa rehiyong Asya-Pasipiko. Halimbawa’y kakatwang itinaas pa ng US ang trafficking rating ng Malaysia mula Tier 2 tungong Tier 1 sa kabila ng notoryus na rekord nito sa trafficking at matapos ang naging papel nito sa krisis ng Rohingya. Ang Malaysia ang isa sa mga pinakatanyag na destination at transit point ng mga biktima ng trafficking sa Asya-Pasipiko. Isa rin ito sa may pinakamasahol na rekord ng paglabag sa karapatan ng mga biktima ng trafficking sa rehiyon.

Bahagi rin ng agenda ng APEC ang mga neoliberal na “reporma” sa edukasyon at paggawa, gaya ng K+12, wage cuts at kontraktwalisasyon, na naglalayong higit na ituon ang sistema ng edukasyon at paggawa sa pangangailangan ng malalaking imperyalistang kapangyarihan.

Malinaw kung gayon sa migrante at mamamayan na ang mga usapan at kasunduang target na abutin ng darating na APEC ELM ay naglalayong lumikha ng ibayo pang “bukas” at “malayang” kalakalan at pamumuhuan, wasakin ang nalalabing mga proteksyon ng mga bansa, at lalupang ibubuyangyang ang kapital, yaman at lakas-paggawa ng mga mahihirap na bansa sa imperyalistang pandarambong at pagsasamantala.

Ano ang ating mga tungkulin?
Dapat ilunsad ng migrante at mamamayan ang malakas at dambuhalang protesta sa Nobyembre 18-19 upang ilantad at labanan ang APEC at ang kinakatawan nitong mga neoliberal na atake sa mamamayang Pilipino at daigdig.

Dapat malakas na ilantad na salot sa bayan ang APEC at ang pananalasa ng imperyalistang globalisasyon. Ilunsad ang pinakamaraming mga pag-aaral, talakayan, aktibidad at protesta sa mga komunidad, eskwelahan at iba pang konsentrahan ng migrante at pamilya. Katuwang ng gabay na ito, maramihan at malawakang talakayin din ang “Panunupil at Pandarambong, Tigilan Na! (KPMM, 2015)”, “Ang migranteng Pilipino sa panahon ng imperyalistang krisis at gera (Migrante International, Pebrero 2012)”, at “Ang Imperyalismong US at Paglaban ng Sambayanang Pilipino (Prop. Jose Maria Sison, April 2014).
Pagsilbihing “palaman”, pagpapatotoo at “build-up” ang malakas na pagtutol at protesta ng sektor sa mga neoliberal na patakaran sa migrasyon, tulad ng mga kampanya laban sa OOP, budget cuts sa serbisyo para sa mga migrante at laban sa di-makatarungang mga pangongotong/pagbubuwis at kawalang-benepisyo. Dapat ipabatid sa migrante at mamamayan kung paanong ang mga lokal at sektoral na mga suliranin at laban ay epekto ng pagtutulak ng mga makadayuhan at kontra-mamamayang imperyalistang mga patakaran.

Mahalagang pagkakataon din ang paparating na APEC ELM sa Nobyembre upang ibayong ilantad at labanan ang walang-kahihiyang pagpapakatuta ng rehimeng US-Aquino sa mga dikta ng imperyalistang globalisasyon. Dapat malaman ng buong mundo kung paanong isinusuka ng migrante at mamamayan ang mga neoliberal na patakarang isinusulong ng rehimeng US-Aquino. Si Aquino ang pinakamasahol at pangunahingpapet, tagapagtanggol at tagapamandila ng imperyalista. Si Aquino ang pinakamatinding tagapanatili ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansa.

Sa pagtatapos ng termino ni Aquino, tiyak na marami pang mga neoliberal na patakaran at kasunduang nakatakdang selyuhan tulad ng pagpapatindi ng pribatisasyon, ibayong labor export at pwersahang migrasyon, charter change bilang rekisito sa TPPA, pagpasok ng tropang dayuhan at muling pagtatayo ng mga base militar at iba pa.

Dapat ilahad sa migrante at mamamayan na tanging ang pambansa-demokratikong program at alternatiba ang siyang solusyon sa bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal – at tanging sa pagbubuo at pagkakaisa ng pandaigdigang kilusang anti-imperyalista ng mamamayan ng daigdig makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya. ###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s