Hagupit ng TRAIN at Build, Build, Build sa OFWs at kanilang pamilya

To download: https://www.scribd.com/document/383997836/Hagupit-Ng-TRAIN

Ang TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion ay isa sa mga serye ng reporma sa Tax sa pangunguna ni Duterte. Pinirmahan ito ng pangulo noong Disyembre 2017. Ang pangunahing layunin ng batas na ito ay ang makapangolekta ng hanggang P1.3 Trilyon ang pamahalaan upang mapondohan ang Build, Build, Build (BBB) na proyekto.

1. Ano ang TRAIN Law?
Ang TRAIN ay limang serye ng mga pagpataw ng buwis sa ilang mga produkto at serbisyo – lokal man o hindi. Ibig sabihin, ang mga naranasang signipikanteng pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa ngayon ay una lamang sa mga susunod pang mas malalaking singil sa mamamayan upang tugunan ang “development projects” ng gobyerno.
Dahil sa mga pagtaas na ito, ramdam ang pagtaas ng inflation rate sa Pilipinas – ang patuloy na pagbaba ng halaga ng piso habang patuloy na pagtaas naman ng mga pangunahing bilihin.

Sa kabuuan, ang pagbabawas sa income tax ng mga sahurang empleyado, estate at donor tax, atbp. ay binawi ng gobyerno sa mga sumusunod:

pmr1

Ilan lamang ito sa mga lokal na epekto ng TRAIN Law. Inaasahan pa ang lalong pagtaas hindi lang mga bilihin kundi ng presyo ng transportasyon. Mula sa P8.00 ay nagtaas ang minimum na singil sa pasahe hanggang P9.00. Ang mga pagtaas na ito, halimbawa, ay hindi mapupunta sa kita ng mga driver – kundi pagtugon lang din nila sa tumataas na presyo ng diesel at gasolina.

Ang sinasabi pang luwag ng mamamayan dahil sa pagkawala ng income tax ay isang malaking kasinungalingan. Ang apektado lamang ng income tax adjustment na ito ay ang mga kumikita ng P250,000/taon o P22,000/buwan. Higit na marami ang minimum wage earners sa bansa, na kasalukuyan namang walang kakayahan magbayad ng buwis. Sila ang mas maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bilihin bilang hindi naman nagtataas ang kanilang mga sahod. Tataas ang inflation sa bansa at bababa ang halaga ng pera.

Kasabay ng pagbawas ng 25% sa personal income tax, ayon sa ipinasang House Bill 7458,
hanggang 20% naman ang mabababawas sa corporate income tax. Sa halip na palakihin pa sana ang buwis na nakukuha sa mga malalaking negosyo, ay binawasan pa nila ito. Ang argumento dito ng gobyerno ay upang maging mas kaakit-akit ang pagnenegosyo dito sa Pilipinas, at malinaw na ang target customers ng pagbaba ng corporate income tax ay mga dayuhang negosyong nais pang bumase dito sa bansa.

Tunay lamang na ang layunin ng BBB sa pamamagitan ng TRAIN Law ay para sa mga dayuhang negosyo, sabwatang gobyerno at mapansamantala at malalaking korporasyon sa bansa, at patuloy na pagtugon sa pinakamalalang yugto ng neoliberalismo.

2. Ano ang epekto ng TRAIN sa OFWs at kanilang pamilya?

a. Pagbagsak ng halaga ng remitans ng mga OFW at pagsadsad ng kabuhayan ng
kanilang pamilya (tignan ang apendiks para sa case studies)

Dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin, dokumento, pamasahe atbp, ang halaga ng piso ay patuloy na hihina. Batay sa datos ng gobyerno, ang piso ngayong Hunyo 2018 ay nagkakahalaga na lamang na 0.85 cents kumpara noong 2012. Ibig sabihin, kung ang average na pinapadala ng isang OFW ay nasa P20,000/kada buwan, ang kaya na lang nitong bilhin ngayon ay P17,000. Tatlong libong piso agad ang mababawas dahil lamang sa inflation.

Ang pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan ng isang Pilipino ay malinaw na mayroong malaking epekto sa remitans ng mga OFW. Dahil sa TRAIN kinakailangan nilang:
• Magbawas sa ilang gastusin para mapalaki ang padala sa pamilya;
• Mag-overtime ng husto at mag-sideline para madagdagan ang kita;
• Magtipid ang pamilya at maghanap ng iba pang pagkukunan ng income.

Ang mga kahirapang dinadanas ngayon ng isang remitans-dependent na pamilya ay nagsisimula pa lang. Kasabay ng pangako ng rehimeng Duterte na wala nang lalabas ng bansa, tuloy-tuloy naman ang nangyayaring kagipitan sa trabaho, pagkain, at mga bayarin. Ang pinakamabilis na maiisip para maitaguyod ng husto ang kanilang pamilya ay ang pangingibang bansa.

b. Paglala ng pagiging gatasang baka ng pamahalaan sa OFWs

Sa mga pagtaas ukol sa DST (Documentary Stamp Tax) at remitans, sinasabing hindi
maaapektuhan dito ang remittance fee ng mga OFW bilang nanggagaling sila sa ibang bansa at walang hurisdiksyon ang TRAIN Law dito. Subalit, kung tataas ang buwis ng mga deposito sa dayuhang pera, ipapataw lamang ng mga lokal na banko at remittance centers ang dagdag buwis na ito sa mga konsumer – mga OFWs at kanilang pamilya na kumukuha at nagpapapalit dito sa loob ng bansa.

Ang dagdag singil sa remitans, kung dati ay P0.30 sa kada P200 na padala ay naging P0.60/P200.00 na. Batay sa bagong singil na ito, ang kinikita na ng gobyerno kada buwan sa remitans ng mga OFW ay:

pmr2

Bukod pa dito, isa sa mga pinakatampok na usapin ay ang dagdag singil sa Documentary Stamp Tax o DST. Sakop ng DST ang mga dokumento tulad ng Birth Certificate, iba’t-ibang clearance, lokal at internasyunal na pakete o padala, atbp.

May tatlong mahalagang dokumento ang kailangan ng isang nag-a-apply mag-abroad sa
pagpoproseso ng mga dokumento: Birth Certificate, Marriage Certificate o CENOMAR, at NBI Clearance. Kada isang dokumento ay may P15 dagdag, kaya naman ang dagdag na kikitain ng gobyerno mula dito ay:

pmr3

Ang halagang ito ay mapupunta lamang sa proyektong BBB at hindi idadagdag sa pondo para sa direktang serbisyo sa mga OFW at kanilang pamilya.

Ayon sa BIR, exempted ang OFWs sa pagbabayad ng dagdag na buwis dulot ng TRAIN Law. Pero para mangyari ito, kinakailangan magpakita ng dokumento tulad ng Overseas Employment Certificate o anumang balidong dokumento na nagpapatunay na sila ay OFW.

Sa una pa lamang, kung ang OFW ay undocumented ay hindi na agad ito makakapagprisinta ng hihinging dokumento. Marami rin sa ating mga kababayan ang walang hawak na batayang dokumento dahil sa pangungumpiska ng employer o agency.

3. Ano ang Build, Build, Build ni Duterte?

Ayon sa BIR, nalagpasan na nito ang target na kita sa buwis sa unang kalahati ng taong 2018. Mula sa kanilang 2018 target na P938.7B ay nakakolekta na sila ng P967.4B. Ang halagang ito ay epekto ng mga pinataas na buwis sa ilalim ng TRAIN Law. Inaasahan pang lalong lolobo ang kita ng gobyerno sa susunod pang mga taon.

Ang Build, Build, Build ay isa sa mga pinaka-mapangahas na plano ng rehimeng Duterte. Ito ang sinasabing pundasyon ng development plan ng kasalukuyang administrasyon. Ayon sa planong ito, gamit ang mahigit na P1.3 Trilyon na makukuha mula sa TRAIN, ay makakapagtayo ang gobyerno ng 75 na imprastraktura kabilang ang: 6 airport, 9 railways, 32 kalsada at tulay, 4 seaport, at 3 bus rapid transit.

Mula sa BBB, inaasam ng pamahalaan na bababa ang cost of production ng mga lokal na produkto at mapapadali ang pakikipagkalakan ng agrikultural na sektor. Ngunit, sa halip na paunlarin ang lokal na industriya at agrikultura na magbubunga ng disente at permanenteng hanap-buhay sa mamamayan, ang BBB ay naka-ayon na lalong makaakit ng dayuhang mamumuhunan at bumwelo ang bansa para sa “malayang pamihilan”.

Ang mga proyektong ito ay nakahanay nang kontratahin ng mga malalaki at anti-manggagawang kontraktor, sa katunayan, kaliwa’t kanan na ang mga unsolicited proposals o hindi opisyal na pakikipagkasundo ng gobyerno at ng kontraktor para sa mga ipapagawang imprastraktura nito.

Bagamat nagkomit ang gobyerno ng Tsina para sa 35 na BBB projects, ang pagpondong ito ay utang ng pamahalaan, na sa aktwal ay ang mamamayan ang magbabayad. Ang ilang pondo ay manggagaling sa General Appropriations Act (GAA) at sa Public Private Partnerships (PPP) na magmumula sa pipigaing buwis sa mamamayan. Masaklap pa, dahil sa patuloy ding paglaki ng utang ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa, ang mga proyektong BBB ay pagbabayaran pa ng mamamayang Pilipino sa mahabang panahon.

4. Ano ang mangyayari sa mga pamayanang tatamaan ng mga proyekto ng BBB?

Sa mga proyektong ito, iilan lamang ang magkakaroon ng kasunod na proyekto para sa mga mamamayang mawawalan ng tirahan para bigyang daan ang mga imprastakturang ito. Pagkatapos ng sunod-sunod na demolisyon, walang tiyak na plano ang gobyerno upang bigyan ng tirahan o suportang pangkabuhayan ang libu-libong pamilyang maaapektuhan ng mga kalsada, airport, waterways, atbp.

Ang Manila North Tollways Corporation na pagmamay-ari ni Pangilinan (SMART, PLDT, Philex Mining, Meralco) ay nakatakdang magtatayo ng NLEX C-5 North Link. Ang proyektong ito ay tatagos sa kabahayan ng mga maralita sa Quezon City. Sasakupin nito ang Republic Avenue at liliko sa Luzon Avenue patungong Congressional. Walong barangay at 50,000 na pamilya ang siguradong mawawalan ng tirahan at kabuhayan.

Sa 50,000 pamilyang ito, nakatakda lamang na magtayo ng medium-rise housings para sa 20,000 na pamilya ang gobyerno. Ang pondo para sa pabahay na ito ay magmumula sa RA 7835 o Comprehensive and Integrated Shelter Financing Act of 1994. Ayon din dito, pautang ang mangyayari sa mga pabahay at kailangang bayaran ng mga bagong residente sa loob ng 20-30 taon.

pmr4

Ayon sa IBON, higit na 14,000 na katutubo ang mawawalan ng ancestral land at kalapit nito dahil sa megadams tulad na lamang ng New Centennial Water Source project at Chico Pump Irrigation project. Ang megadams na ito ay planong itayo katuwang ang gobyerno ng Tsina sa Kalinga, Rizal, at Quezon. Marami rin sa mga proyektong ito ang hindi isinailalim sa Environmental Assessment bilang konsiderasyon sa mga masasagasaang kalikasan.

5. Sino ang higit na makikinabang sa BBB at TRAIN?

Ang mga proyektong ito ay pagtugon ng rehimeng Duterte sa lumalalang kompetisyon ng
pandaigdigang pamilihan at pagsang-ayon sa pagbabagong mukha ng heograpiya ng pandaigdigang ekonomiya.

Sinasabi man nilang mabuti ang layunin ng proyektong ito, sa kadulu-duluhan ay magsisilbi pa rin ito sa interes ng sabwatang korporasyon at gobyerno, at magdudulot pa ng mga impraktikal na dugtungan ng mga tulay at kalsada. Mas maraming pamilya ang mawawalan ng tirahan, at mga self-serving na imprastraktura – hindi naka-layon sa pag-unlad ng buhay ng mamamayang Pilipino, kundi para lamang sa ikabubuti at paglikha ng oportunidad ng mga malalaki at anti-mamamayang korporasyon.

Walang maitutulong ang TRAIN sa mamamayang Pilipino. Pagpapaigiting ito ng neoliberalismo sa bansa – magsisilbi para sa pagbubukas ng internasyunal na mamumuhunan sa Pilipinas, habang ang gastos ay ipinapasa sa mamamayan. Isa lamang ito sa patuloy na magpapahirap sa mga Pilipino, at higit pa sa ngayon ang magiging tulak na mangibang bansa ang ating mga kababayan dahil patuloy lamang na hindi sasapat ang kanilang kinikita para mabuhay.

Dahil hindi naman permanenteng hanap-buhay ang nililikha ng BBB, kahit matapos ang
proyektong ito ay patuloy lamang na mangingibang bansa ang mga Pilipino. Isang ‘pakita’ lamang ang pagpapatayo ng mga seaport, airport, processing zones atbp – hindi ito nagsisilbi sa masang Pilipino, bagkus ay para lamang sa mga dayuhan at malalaking korporasyong nananamantala ng kanilang mga manggagawa.

6. Bakit kailangang tutulan at ibasura ang TRAIN?

Bilang mga biktima ng hagupit ng TRAIN, kailangan kumilos ang OFWs at pamilya at maki-isa sa malawak na mamamayang nananawagan para sa kagyat na pagbabasura nito.

Ang pagbabasura sa TRAIN ay hindi nangangahulugan na ayaw natin sa pagkakaroon ng mga mauunlad na imprastruktura. Ang tinututulan natin ay ang higit pang pagbubuwis sa naghihirap na mamamayan. Ang dapat buwisan ng husto ay ang mga malalaking negosyo at dayuhang korporasyon. Huwag nating hayaan na sila ang binibigyang luwag ng pamahalaan para lalong magkamal ng kita at kayamanan.

Kailangan ilinaw na ang TRAIN ay kalabisan na pagpasa ng responsibilidad ng gobyerno sa kaniyang mamamayan. Dagdag lamang itong pabigat sa kontraktwalisasyon, napakababang sahod, kakulangan sa pabahay, at kasalatan sa pampublikong serbisyo.

37263335_10213401652661972_5780551669997633536_n

7. Ano ang mga maaaring gawin para labanan ang TRAIN at BBB?

pmr5

pmr6

pmr7

pmr8

pmr9

37043761_1678904685492653_7804182729062350848_n

37263335_10213401652661972_5780551669997633536_n

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s