DAPAT LIBRE ANG PAG-BOTO! — Migrante Japan

13 April 2019

Overseas Absentee Voting (OAV) na, pero matamlay ang mga botante sa Japan, South Korea at Australia. Bukod sa tinanggal ang pagkakataon na makaboto ng personal ang ating mga kababayan upang ipahayag ang kanilang damdamin sa pamamagitan balota, ngayon ay ipinakakarga pa sa kanila ang pagbili ng “selyo” (postal stamp) para maibalik sa embahada ang kanilang balota at maisama sa bilangan ang kanilang boto.

Ano ba ito? Lokohan ba ito, o sadyang ayaw bilangin ang boto ng mga OFW?

 

Noong nagdaang eleksyon ay magkahalong “personal” at “postal” voting ang sinunod na moda ng botohan sa Japan na nagpalaki sa bilang ng mga botanteng bumoto. Bakit ngayon ay postal voting na lamang? Imbes na madagdagan, pihadong mababawasan na naman ang boboto sa eleksyon na nagsimula na ngayong araw, ika-13 ng Abril 2019 at tatagal hanggang ika-14 ng Mayo 2019.

Para sa mga migrante sa Japan, hindi ang halaga ng postal stamp ang isyu dito, kundi ang tila orkestradong paghadlang (disenfranchisement) sa mga botante na bumoto. Sabi ng mga opisyal ng embahada sa Tokyo, pwede naman daw i-deliver sa embassy ang balota kung ayaw bumili ng stamp. Hindi ba garapalang panggagago ito sa ating mga botante?

Mariing tinututulan ng MIGRANTE Japan ang desisyong ito. Bakit kami ang kailangan bumili ng postal stamp? Dapat libre ang aming pagboto! Hindi simpleng halaga ang pinaguusapan dito kundi ang kawalan ng respeto at pagkilala sa aming mga OFW. Sa laki ng aming mga bayarin sa gobyerno at taunang remitans sa bansa, pati ba naman postal stamp ipakakarga pa rin sa amin? Ito ay pangiinsulto sa aming patriyotismo. Malayo man kami sa Pilipinas, nananatili ang aming hangarin na makapaglingkod sa bayan at gampanan ang aming tunglkulin bilang mamamayan. Araw-araw kaming nag-aalala sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas, ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin, ang walang humpay na patayan at kawalan ng paggalang sa karapatang pantao. Hindi ito ang pagbabago na hinahangad namin.

Nais namin na gamitin ang aming balota upang ihalal ang mga kandidato na sa aming pagsusuri ay maninindigan sa interes at kapakanan ng mas nakararami kabilang ang mga OFW. Nauto na kami noong nagdaang halalan kaya hindi kami papayag na muling maloko ng mga kandidatong puro lamang pangako, pero korap at abusado sa pwesto.

Hindi ang mga nagtataasang gusali, sementadong kalye at highways, mga tulay at kung anu-ano pang inprastraktura ang sukatan ng pag-unlad. Wala naman itong naiaambag sa pang-araw- araw na buhay ng ordinaryong mamamayan. Mga palamuti lamang ang mga ito para itago ang lumalala pa ring kahirapan sa Pilipinas. Mas lalo pa nitong pinalalaki ang utang panlabas ng Pilipinas na sa bandang huli ay mamamayan din ang papasan.

Ang kailangan namin ay trabaho at disenteng sahod para muling makabalik sa Pilipinas at makapiling ang aming mga mahal sa buhay.

Ang gusto namin ay makabuluhang pagbabago at inaasahan namin na ang kasalukuyang eleksyon ay magagamit namin upang maisulong ang mga munting pagbabago na hangad namin. Kaya bakit pati karapatan namin na bumoto ay tila sinasagkaan ng mga polisiyang tulad nito.

May humigit-kumulang sa 80,000 rehistradong botante sa Japan. Magkano lang ang postal stamp para payagan makaboto ang lahat? Ang sabi ng Comelec: “Dapat libre ang pagboto!” Pero bakit kami ang bibili ng selyo? Nais ba ng Department of Foreign Affairs (DFA) na busalan ang bibig naming mga OFW kaya pati postal stamp ay pinakakarga sa mga botante? Nakakalungkot ito at nakakapanggigil para sa mga OFW na naghahangad lamang ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa lipunang Pilipino?

 

###########

MIGRANTE JAPAN April 13, 2019

MJpn

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s