Pahayag ng Migrante Philippines Hinggil sa pagka-istranded ng mga OFWs sa Batangas (23 Abril 2020)

Kahabag-habag ang inabot na matinding pagod, gutom, puyat at pangamba ng mahigit 320 OFWs mula sa Middle East at iba pang bansa sa Asya na nagbalik sa Pilipinas kahapon. Ilan sa kanila ay mga bata at buntis. Kalakhan sa kanila ay mga salat sa pinansya dahil sa pagkakatanggal sa trabaho dulot ng pandemyang COVID-19. Inabot ng halos 24 oras bago sila naihatid ng OWWA sa kanilang quarantine facility sa Matabungkay Beach Resort sa Lian, Batangas.

Ayon sa OWWA, ang mga nangharang na daw na residente daw ng Lian, Batangas ang dahilan ng pagkaantala. Ito ay kasinungalingan. Ginagamit lamang nito ang insidente para pagtakpan ang malubhang kapabayaan ng binuong Sub-task Unit (STU) para sa repatriation ng mga OFW na pinamumunuan ng OWWA kasama ang DOLE, DOH, DFA, DILG, DOT at DOTr. Kung ginawa nila ang kani-kanilang tungkulin at mahigpit na nagkoordina sa isa’t-isa hindi manghaharang ang mga resident ng ala-una ng madaling araw.

Ang hirap na dinanas ng mga OFW ay nagsimula pagkalapag pa lamang nila sa Pilipinas. Wala na ngang pagkain sa eroplano, wala pa ding pagkain sa airport. Wala ang anumang ahensya sa STU para alalayan ang mga OFW. Dumating ng alas-dos ng hapon ang kalakhan ng OFWs pero alas-siyete na ng gabi nang pasakayin sila ng bus para dalhin sa quarantine facility. Hatinggabi na nang makakain sila ng hapunan sa kanilang stop-over sa Chateau Royale Resort sa Nasugbu, Batangas. Madaling araw nang harangin sila sa bayan ng Lian kaya bumalik muli sa Chateau Royale at dito na na-istranded ng ilang oras. Lagpas ala-una na ng hapon nang sila ay maihatid sa Matabungkay Beach Resort para sa kanilang 14-day quarantine.

Maliban sa pagod at gutom, pangamba ng pagkahawa sa COVID-19 ang dulot ng kapabayaan ng STU. Hindi na natupad ang social distancing sa airport at byahe sa kalagayang ang mga OFWs ay nagmula sa iba’t ibang mga bansa na laganap ang virus. Hindi totoo na ang lahat ng umuwing OFW ay ligtas na sa COVID-19 dahil hindi naman nasailalim ang lahat sa COVID-19 testing. Ang masaklap, ipagsisiksikan silang mahigit 320 sa 99 rooms na mayroon ang Matabungkay Beach Resort.

lianba

Ang kahirapang pinagdadaanan ngayon ng mga kauuwi lang na OFW ay katulad din ng mga naunang grupo na umuwi. Batay sa panayam ng Migrante sa mga OFWs na kasalukuyang nasa Club Balai Isabel na dumating noong lunes, nasa mahigit 400 na ang mga OFW na naka-house sa quarantine facility. Ang Club Balai ay may kapasidad lamang na magpatuloy ng hanggang sa 220 na katao, alinsunod sa patakaran na isang tao lamang sa isang kwarto. Sa ngayon ay may mga kwartong may dalawa hanggang apat na OFW. Ang masaklap walang monitoring na nagaganap para sa kanilang kalusugan at wala din ang rapid testing para sa lahat na bagong patakaran ng IATF na inanusyo noong April 21.

Kailangang aminin ng OWWA at buong STU na hindi lamang miskomunikasyon sa LGU ang sanhi ng dusang dinaranas ng ating mga kababayan. Kailangang aminin ng pamahalaan ang kakulangan sa mga inihanda nilang quarantine facilities at paglabag mismo nila sa patakaran hinggil sa mass testing at quarantine. Kriminal na kapabayaan ito kung tutuusin dahil hindi nila tunay na inililigtas ang OFWs sa COVID-19 at magiging daan pa ito para sa pagkalat ng virus sa kanilang uuwiang pamilya at komunidad.

Lutang na lutang na ang resulta ng kawalan ng komprehensibong plano ng pamahalaan para sa mga OFWs. Minaliit nila ang hagupit ng pandemya sa mga OFWs. April 14 na binuo ng IATF ang STU nang nasa higit 15,000 na ang stranded na mga Filipino seafarers sa iba’t ibang daungan sa mundo. Halatang kinakapos na rin ang kakayahan ng manpower ng OWWA para alalayan ang patuloy na dumadagsang pauwi na mga Pilipino. Hindi sana ganito ang hirap na kakaharapin ng mga kawani at volunteers ng ahensya kung mabilis na tumugon ang gobyerno ni Duterte sa banta ng COVID-19.

Sa halip na agarang tuunan ng pansin ang pagbubuo ng komprehensibong medikal na plano ay buong-buo ang pwersa at pokus ng pamahalaan na pagpapatupad ng militaristang Luzon-wide lockdown. Kasabay ng teror ng lockdown, inihasik din ng pamahalaan ang mass hysteria at kamangmangan sa laganap na virus at impeksyon. Kaya naman hindi lubos na masisisi ang mamamayan ng Batangas sa pagharang sa kauuwi lang na mga OFWs. Sa halip na ipalaganap ang diwa ng bayanihan para sa pagsuong ng krisis, takot at panghahati sa mamamayan ang isinasagawa nito.

Nauna nang inihayag ng iba’t-ibang organisasyon, tulad ng Migrante, ang mga kamalian at kakulangan sa militarista at di-siyentipikong pakikitungo ng gobyerno sa pandemikong ito. Higit na kailangan ngayon ang sama-samang pagkilos ng mamamayan upang maabutan ng tulong ang ating mga kababayan na siya sanang ginagawa ng gobyerno. Kabahagi ang Migrante sa bayanihan upang tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga OFW. Bukas, Abril 24 ay ilulunsad ng Migrante, kasama ng iba pang maka-OFW na organisasyon, ang Damayang Migrante: Relief Mission for stranded OFWs, upang maabutan ng ayuda at impormasyong medikal ang ating mga OFW. ###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s