Ngayong International Migrants Day, kumikilos ang Migrante International at ang mga kasaping organisasyon nito sa buong mundo sa Zero Remittance Day Laban sa Korapsyon. Kasama natin ang global Filipino community na hindi magpapadala ng kahit piso o dolyar sa bulok at korap na rehimeng Marcos. Sama-sama nating ipinapakita ang galit ng migranteng manggagawa sa malawakang at sistematikong pagnanakaw sa pera ng taumbayan.

Sa harap ng maraming sakripisyo natin sa abroad at laki ng pinapadalang pera pauwi, naghihirap pa rin tayo. $38.34 bilyon ang halaga ng remittances nating mga overseas Filipino noong 2024. Malaki na ang buwis na inaambag ng bawat OFW sa mga remittance na pinapadala natin sa Pinas. Lampas dito, lalo tayong sinisingil at kinikikil sa mga bayarin kada deployment, kada taon. Sapilitan ang bayarin na ito, mula consular services fees hanggang SSS, Pag-ibig, PhilHealth at OWWA. Tantsyang umaabot itong mga pabigat na bayarin sa ₱21,010 bawat OFW. Ngayong 2025, 8,000 OFW ang umaalis ng bansa kada araw. Kumikita ang gobyerno ng Pilipinas ng ₱168.08 milyon mula sa 8,000 na ito. Kinokotongan pa tayo.

Sa kabila nito, patuloy ang pag abandona ng gobyerno sa panahon ng kagipitan. Bulok pa rin ang serbisyo sa mga embahada, konsulado, at DMW. Hindi natatamasa ng ating mga pamilya ang panlipunang serbisyo sa edukasyon, kalusugan, pabahay. Saan napupunta ang ating mga buwis?

Sa araw ng Global Zero Remittance Day, aabot na ng isang taong nakakulong si Mary Jane Veloso sa Pilipinas. Sinabi na ng gobyerno ng Indonesia na rerespetuhin nila ang paggawad ng clemency para kay Mary Jane. Wala nang hadlang sa kalayaan at hustisya ni Mary Jane kundi si Bongbong Marcos.

Maliban kay Mary Jane, dumadami ang mga overseas Filipinos na inaabuso at inaatake sa ibayong dagat. Sa US, 183 seafarer ang dineport at biniktima ng diskriminasyon ng gobyernong Trump. Higit sa 150 na land-based ang dineport nito, at mas marami pa ang nakakulong.

200+ biktima ng labor trafficking ang na-repatriate sa mga scam hub sa Cambodia, ngunit mas marami pang hindi nakakauwi mula Cambodia at iba pang mga bansa. Dumadami ang mga biktima ng mga scam hub, visa consultancy scam, abusadong amo, at iba pang mga iskema ng trafficking.

Habang inaapi at pinagsasamantalahan tayong mga migranteng manggagawa, lugmok pa rin sa kahirapan ang Pilipinas. Bumabagal ang paglago ng ekonomiya. 8 sa 10 magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka. Bukas ang pinto ng Pilipinas sa agricultural imports habang walang makabuluhang suporta ang lokal na agrikultura mula sa gobyerno. Walang sariling industriya ang ating bansa. Hindi nakakapaglikha ng disenteng trabaho ang ating ekonomiya, at nananatili itong tali sa importasyon at baon sa utang.

Masagana ang Pilipinas sa likas na yaman at masisipag ang mamamayan nito. Pero kalahati ng ating mga kababayan ay kinikilala ang sarili bilang mahirap. 4.5 milyung pamilya ang nakakaranas ng kagutuman ngayong taon. Sa kabila ng malawakang kahirapan, na siyang nagtutulak sa ating mangibang-bansa, patuloy na yumayaman ang mga naghahari sa ating bayan. Lumaki nang 25% ang yaman ng top 50 richest sa ating bansa. 17% ng kabuuang yaman ng Pilipinas ang hawak nila. Habang pinagsasamantala nila ang taumbayan, sila rin ang nakikinabang sa gobyernong kurakot, gobyernong nagpapayaman din ng sarili habang patuloy na naghihirap ang sambayanan.

Nalulunod ang ating mga pamilya sa baha at bagyo. Ang Pilipinas ay kumaharap sa 22 na bagyo, matitinding habagat 2 na malalaking lindol ngayong 2025. Sa mga kalamidad ngayong taon, hindi baba sa 437 ang namatay. Karamihan dito ay nasawi sa Bagyong Tino (Kalmaegi) at ang mapaminsalang lindol sa Cebu. Mas marami pa ang nasugatan at nawawala hanggang ngayon. ₱51 bilyon ang naitalang pinsalang dulot ng mga kalamidad.

Nasaan ang tulong mula sa gobyerno? Maraming proyektong ipinangako ng mga gobyernong Marcos at Duterte para sa flood control at disaster preparedness. Ngunit sa kalabasan ng mga kalamidad na nakakapanganib sa ating mga pamilya, lantad na lantad na ang pondo ng taumbayan laban sa kalamidad ay ibinubulsa ng gobyerno.

Malawakan ang korapsyon sa Pilipinas. Ginagawa ito ng mga opisyal ng gobyerno mula baba hanggang taas. Noong 2023, nailantad si Vice President Sara Duterte, ang Reyna ng Korap sa kanyang paglulustay ng ₱612.5 milyon mula sa kanyang confidential and intelligence funds sa Office of the Vice President at Department of Education. Ngayon, sa panahon ng matinding pagbaha at bagyo, naisambulat ang kabulukan ng maraming flood control projects sa bansa: substandard, ghost project, mapanganib sa taumbayan. Ang taunang tantsya sa flood control funds na kinukurakot ng mga burukrata kapitalista ay ₱197 bilyon.

Sabi ni Bongbong Marcos sa mga kurakot sa goyberno, “mahiya naman kayo.” Pero si Marcos mismo ang nagapruba ng dambuhalang mga alokasyon ng mga kongresista at senador na kanilang ibinulsa. Ngayong 2026, sa gitna ng paglalantad ng korapsyon, walang hiya si Marcos at ang kanyang gobyerno na magtulak ng ₱695.8 billion para sa pork barrel.

Hindi magkakaroon ng badyet ng korapsyon kung hindi ito inaprubahan ni Bongbong Marcos. Ang kabuuang unprogrammed allocations sa national budget, ang isang mayor na pinagkukunan ng mga kurakot, ay lumobo mula ₱251 bilyon sa 2022 hanggang ₱807 bilyon sa 2023, ₱731.5 bilyon sa 2024, at ₱531.7 bilyon sa 2025. Itong dambuhalang pondo para sa korapsyon ay lumalabas lamang sa utos ni Marcos at ang kanyang Department of Budget and Management.

Sa ngalan ng pangungurakot, ang pambansang badyet ay pinagaawayan ng mga naghaharing uri sa Pilipinas. Sa ribalan, laglagan at gantihan sa pagitan nila, naisambulat na si Marcos mismo ay may insertions sa budget sa halagang ₱100 bilyon. Siya mismo ay tumatanggap ng ₱8.3 bilyon o 16% mula sa ₱52 bilyon na proyekto ng Department of Public Works and Highways. Korap si Marcos mismo.

Habang nagpoposturang kontra sa korapsyon si Marcos, walang kurakot na napapanagot sa ilalim ng kanyang gobyerno. Hindi niya kusang ibibigay ang hustisya para sa mga binaha, mga binagyo at nilindol, at mga pinagkakait ng kinabukasan dahil siya mismo ang naghahari sa sistema ng korapsyon at burukrata kapitalismo sa Pilipinas.

Hindi iiilan lamang ang nangungurakot sa ating bayan. Korap ang buong sistema, mula taas hanggang baba. Panahon na para panagutin ang Hari ng Korap. Singilin natin ang gobyernong Marcos na pumapatay sa atin gamit ang korapsyon. Bitbitin natin ang panawagan para sa pagpapatalsik kay Bongbong Marcos at Sara Duterte, ang Hari at Reyna ng Korap.

Malayo man tayo sa ating inang bayan, sa sama-samang pagkilos ay nagsisilbi tayo bilang makapangyarihang pwersa. Gamitin natin ito para baguhin ang bulok na sistema sa Pilipinas at itaguyod ang tunay na pagbabago.

Panagutin ang lahat ng mga kurakot, mula sa taas!
Baguhin ang bulok na sistema!
Migranteng Pilipino, tuluy-tuloy ang laban!