MIGRANTE INTERNATIONAL
PRESS STATEMENT
June 8, 2026
Migrant workers group condemn intensifying US War of Agression that wounded 3 OFWs in Kuwait
Mariin kinukundena ng Migrante International ang patuloy na gyerang agresyon ng Estados Unidos laban sa Iran at kawalang aksyon ng gobyerno ni Marcos Jr. na naglalagay sa panganib sa buhay, kaligtasan, at kabuhayan ng milyun-milyong manggagawang migrante at Pilipino na nagtatrabaho sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Labis na ikinababahala ng Migrante ang pagkakasugat ng tatlong OFW sa naganap na pag-atake sa Kuwait International Airport noong Hunyo 3, 2026, isang buwan pagkatapos nasugatan ang 7 na marinong Pinoy sa kanilang barko pagkatapos ng isang drone attack. Muli nitong ipinakita na ang mga ordinaryong manggagawa at sibilyan ang unang nalalagay sa panganib at nagiging biktima ng mga imperyalistang gera ng Estados Unidos.
“Nasaan ang sinasabing plano ng gobyerno ni Marcos Jr. para maprotektahan ang ating mga OFW sa Gitnang Silangan? Sa loob ng tatlong buwan, lampas sampung libong OFW na ang umuwi ng walang katiyakan sa kanilang kabuhayan. Ilan pa ang kailangan masugatan at mamatay bago umaksyon ang gobyerno? Interes lamang nito na ituloy ang patakaran ng paglalako at pagbebenta sa mga Pilipino para maging alipin sa mga kapitalistang bansa. Wala itong pakialam kung sila ay pagsamantalahan, apihin o mamatay.” saad ni Josie Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante International
Sa gitna ng banta ng mga missile at drone strike, maraming OFW ang nananatiling nagtatrabaho hindi dahil sila ay ligtas kundi dahil mas kinatatakutan nila ang gutom, kawalan ng kita, at kahirapang maaaring danasin ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Ayon sa Migrante Middle East, maraming mga OFW ang nakararanas ng pagbawas ng oras sa trabaho, forced leave without pay, at maging pagkawala ng kabuhayan dulot ng lumalalang krisis sa ekonomiya.
Hindi rin maaaring ihiwalay ang krisis na ito sa lumalawak na presensyang militar ng Estados Unidos sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA. Habang dumarami ang kanilang mga base at aktibidad militar sa bansa, lalo ring nailalapit ang Pilipinas sa mga tunggaliang ng mga imperyalistang bansa, na may seryosong implikasyon sa ating soberanya at seguridad.
“Direktang nilalagay ni Marcos Jr. sa panganib ang ating mga OFWs at migranteng Pilipino dahil sangkot ito sa imperyalistang gera ni Trump sa pagpayag niya na gawing base militar ng Estados Unidos ang buong bansa at gawing regular ang mga ehersisyong militar na nagdudulot ng banta sa kabuhayan ng ating mga mangingisda at magsasaka at pagkawasak ng mga likas yaman sa lupa at karagatan” dagdag ni Pingkihan.
Naninindigan ang Migrante International na wakasan ang imperyalistang digmaan ng Estados Unidos at pagpapalayas sa militar nito sa ating bansa dahil ito ang pinakamalaking banta sa tunay na kapayapaan at seguridad para sa lahat ng mga manggagawang Pilipino at mamamayang api sa buong mundo. Ipinaglalaban ng mga migranteng manggagawa sa buong daigdig ang disente at seguridad sa trabaho sa Pilipinas, nakabubuhay na sahod, panlipunang serbisyo at proteksyon, at tunay na kaunlaran sa sariling bayan para wala ng mapilitang mangibang-bansa at suungin ang mga mapanganib na lugar.
Rehimeng US-Marcos Jr. panganib sa buhay ng mga OFW at mamamayang Pilipino! Labanan ang imperyalistang digmaan ng Estados Unidos!
###








