Hindi matatawaran ang patuloy ninyong pagtatrabaho sa gitna ng peligrong dulot ng COVID-19. Nananatili kayo sa lugar na kontaminado ng virus na matagal nang dapat na nilisan. Nagbibigay-serbisyo kayo sa sitwasyong dapat ay ginagawa ng mga may special skills at kahandaan. Lubos ang aming pagkilala sa inyo dahil dito. Ngunit mas matimbang doon ay nag-aalala kami sa inyong sakripisyo. Higit sa lahat hinahangad namin na kayo ay mailayo sa lubos na kapahamakan.

Kaya naman po kami ay nananawagan na sama-sama tayong tumindig at iparating sa kinauukulan ang inyong kalagayan. Pagtulungan nating maagap na kamtin ang inyong mga makatwirang kahilingan. Dapat lamang na ilaan sa inyo ang mga sumusunod:
1. Kagyat na mabigyan ng impormasyon at mapasailalim sa isang komprehensibong plano ng proteksiyon mula sa impeksiyon ng COVID-19;
2. Tiyakin ang pinakamabilis, walang diskriminasyon, husto at nararapat na serbisyong medikal (physical at mental) sa lahat ng crew members lalo na sa mga may karamdaman at positibo sa COVID-19;
3. Agarang pagbabalik sa Pilipinas sakay ng mga dedicated flights na may kasamang medical team na may kakayahan at sapat na kagamitang tumugon sa lahat ng peligrong dulot ng COVID-19;
4. Makatanggap ng dagdag-kompensasyon sa inilaang serbisyo sa buong panahong pagtatrabaho at reparation sa mga panahong hindi makakapagtrabaho dulot ng peligrosong kalagayang ito;
5. Tiyakin na makababalik sa kaparehong katayuan sa trabaho pagkatapos makaahon sa panganib ng COVID-19.
Katuwang ninyo ang Migrante at hahamigin natin ang suporta ng pinakamaraming bilang ng mga nagmamalasakit na mamamayan upang tiyak na mapangalagaan ang inyong kalusugan, kabuhayan at kagalingan.
Contact:
Hotline – 0921-2709079 / Facebook – Migrante International