Domestic Helpers mula sa Middle East iginiit sa DOLE ang taas sahod

Naghain ng petisyon para sa pagtaas ng sahod ang Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang Silangan (SANDIGAN) sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila ngayong Biyernes. Iginiggiit ng grupo na gawing $700 mula sa kasalukuyang $400 ang buwanang minimum na sahod ng mga Household Service Workers (HSW) sa Middle East. 

42373970_2206551112925345_1797902786466152448_o

Ayon sa petisyon ng grupo, bumaba na ng 35% ang halaga ng sahod ng mga HSW dahil sa tuloy-tuloy na inflation mula pa noong 2006. Ayon sa kanilang pag-aaral, kung ibabatay sa komputasyon ng Purchasing Power of the Peso ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang USD$400 o Php20,000 noong 2006 ay nagkakahalaga na lamang ng Php13,000 noong Hunyo 2018. Lalo pa pa daw itong bumagsak dahil sa higit pang pagsirit ng mga presyo laluna ng mga pagkain nitong mga buwan ng Hulyo at Agosto dahil sa TRAIN Law.

Oktubre 2006 nang ipatupad ng pamahalaan ang POEA Governing Board Resolution No. 5 Series of 2006 (Increasing the entry level minimum salary of all household workers deployed overseas to US$400.00) bilang bahagi ng HSW Reform Package o programang ‘Supermaid’ ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Mula noon ay napako na ang sahod ng mga domestic helper sa Middle East sa $400/buwan.

“Malayong malayo na ang halaga ng aming sahod sa P45,000/buwan na kinakailangang ng bawat pamilya para mabuhay ayon mismo sa NEDA. Bilang mga breadwinner, alam naming hirap na hirap na sa pagba-budget ang aming mga pamilya kahit pa may iba pa kaming kabuhayan. Kung may trabaho man ang aming asawa o ibang myembro ng pamilya, hindi rin ito sapat dahil iregular din ang kanilang kabuhayan o kontraktwal sa paggawa,” ayon sa petisyon.

Inilinaw ni Pinky Alamo, Tagapagsalita ng SANDIGAN, na “hindi man papantay sa itinakdang nakabubuhay na sahod, malaking ginhawa na ang maibibigay ng hinihiling naming $700 minimum na sahod. Isang hakbang ito para sa aming paglaya mula sa sahod-alipin na kalagayan sa Middle East.”

Iginiit din ng SANDIGAN, kasama ang Migrante International, ang pagrepaso sa HSW Reform Package at palitan ito ng programang “tunay na nagsusulong ng karapatan at kagalingan” ng mga domestic helper.

“Sa higit na sampung taon mula nang nailunsad ang HSW Reform Package, hindi na muling nabalikan at napag-aralan ang mga polisiya para protektahan at pangalagaan ang aming kapakanan at karapatan. Dahil na rin dito, nagpatuloy lang ang pagluwal ng Pilipinas ng milyong domestic workers nang hindi napapaunlad ang mga programa ditto,” ayon pa sa inihaing petisyon.