Kalbaryo ng mamamayan: Tutulan at labanan!

DUTERTE, PAHIRAP SA MAMAMAYAN, PATALSIKIN!

Kahirapan, kagutuman, kawalang hanapbuhay at proteksyon sa kalusugan ang tunay na kalbaryo ng mamamayan. Dinagdagan pa ito ng mga pang araw-araw na pangamba dahil sa mga pagpatay, illegal na pag aresto, pagsampa ng gawa-gawang kaso, tanim baril at granada at mga pumapatay na search warrant tulad sa naganap sa “bloody Sunday” sa mga aktibista sa probinsya ng Timog Katagalugan. Hindi pa nangilin ang mga berdugo, ngayong Marso 28, sa mismong kaarawan ni Duterte, pinaslang ang vice-chairperson ng PAMANTIK-KMU at tagapangulo ng unyon sa Fuji Electric na si Dandy Miguel sa Canlubang, Calamba, Laguna. Walong tama ng bala ang naiulat na ikinamatay ni Ka Dandy. Mahigpit nating kinokondena ang pagpaslang na ito!

Umabot na sa halos sampung libo kada araw ang iniuulat na mga nag positibo sa Covid19. Nilampasan na nito ang mga iniulat nung nagdaang taon. Pero hindi pa din natuto ang berdugong si Duterte, bagkos, patuloy lang nyang minamaliit ang tinawag nyang veerus. Kaya ang isinasagot nya sa lumalalang pandemya ay ang deklarasyon ng lockdown sa anyo ng MECQ, ECQ, “granular lockdown” at iba pang katawagan, pag deploy ng mga militar at police sa mga pangunahing lansangan at paghihintay sa pagdating ng vaccine mula sa donasyon ng Tsina at ibang bansa.

Lugmuk na sa kahirapan ang mamamayan at pamilyang Migrante, ang naunang ayuda, hindi na nasundan. At ang pangako ay tuluyan ng napako! Hindi askyong militar, kundi syentipiko at sistematikong hakbang tulad ng malaganap at libreng Covid-19 mass testing, bakuna at ayuda sa lahat, ito ang kailangan!

May itinalagang budget ang rehimeng Duterte na 82.5 bilyon para sa Covid-19 vaccine sa 2021. Kung saan 70 bilyon ay magmumula sa dayuhang pautang tulad ng World Bank, Asian Development Bank at Asian Infrastructure Investment Bank. Ang naunang budget proposal ni Duterte para sa Covid vaccine ay 2.5 bilyon lamang. Halatang hindi seryoso na tugunan ang pangangailangan sa ka- lusugan lalo na sa pagtiyak na may makukuhang vaccine ang mamamayan. Di hamak na mas malaki nang ilang ulit ang pondo na inilaan nito para sa imprastraktura o yung tinatawag na build-build- build project.

Maging ang mga Migranteng Pilipino ay dumaranas din ng kalbaryo dahil sa kapabayaan at pag abandona ng rehimeng ito:

  1. Ang mga OFWs ay nasa huli ng priority list na mabibigyan ng libreng COVID19 vaccine at gi- nagawa na itong requirements sa mga bansang pagtatrabahuan nila at kailangan nila ito para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.
  2. Mga umuuwing OFWs stranded sa mga hotel quarantine dahil sa mabagal na resulta ng PCR test. Dating 3 araw Lamang na quarantine, umabot na sa mahigit isang linggo! Hindi na natuto ang gobyerno ni Duterte, mahigit isang taon na itong pahirap sa mga umuuwing OFWs;
  3. Mga na terminate na OFWs sa ibang bansa, walang libreng shelter na naibibigay ang mga Embahada o Konsulado ng Pilipinas at maging Philippine Labor Office o POLO, habang ang iba naman ay nag sisiksikan sa ilang shelters kahit sa panahon ng pandemya. Walang minimum health protocol;
  4. Kinurakot na 15 bilyon sa pondo ng Philhealth, nasaan na? Hanggang sa ngayon ay wala pang nananagot sa korapsyon na ito at hinayaan lamang ang mga opisyal nito sa pangunguna ni Morales na dating Heneral ng AFP na nag resign lamang;
  5. Dahil sa kawalan ng maayos o nakabubuhay na sahod sa Pilipinas, marami ang nabibiktima ng human trafficking. Isang patunay na dito ang naganap sa mga Pilipinong kababaihan na natrapik sa Syria. Marami pa sa kanila ang hindi pa nakakauwi sa Pinas at patuloy na umaasa na mapauwi at managot ang mga bumiktima sa kanila;
  6. Mga natanggal sa trabaho, stranded na wala pang ayuda. Maging ang DOLE-AKAP na iilan lamang ang nabigyan ng ayuda, hindi na nasundan, dami pang pinaasa at ngayon ay patuloy na namang nangangako ng ayuda.
  7. Mga Seafarers, sunod-sunod ang napabalita na stranded sa kanilang mga barko sa dayuhang bansa. Hindi kagyat na napapauwi at walang mabilis na tugon mula sa mga Embahada at Konsulado ng Pilipinas. Kailangan nila ng proteksyon! Isabatas ang Magna Carta of Seafarers, bigyan sila ng proteksyon sa trabaho, libreng benepisyong pang kalusugan at pagkilala sa mga fishers na nasa ocean going vessels. Ayuda para sa mga stranded sa Pilipinas!

Ilan lamang ito sa mga pasan-pasan at kinakaharap na kalbaryo ng mga migranteng PIlipino.

Panahon na para singilin ang rehimeng US-Duterte sa kanyang kapabayaan at pag abandona sa mga migranteng Pilipino. Huwag na natin paabutin pa sa 2022 si Duterte. Hindi magiging patas ang eleksyon sa 2022 kapag nanatili sa kapangyarihan si Duterte.

Migranteng Pilipino, magkaisa, labanan at patalsikin ang tunay na veerus ng bayan!
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN AT AYUDA!
SISTEMATIKO AT LIBRENG MASS TESTING AT COVID VACCINE, HINDI MILITARISASYON!
LABANAN ANG DIKTADURYA AT TIRANYA NI DUTERTE! DUTERTE PATALSIKIN!