Manifesto ng Kaisahan ng mga Migrante, Pamilya at Tagapagtaguyod
para sa Ayudang Nakasasapat
Sa nakalipas na mahigit isang taon mula nang pumutok ang pandemya ng COVID-19, binalikat ng mga OFW at ng kanilang pamilya ang buong bigat nito sa kanilang kalusugan at kabuhayan. Isa sa unang tinamaan ng sakit ang mga Pilipino sa ibayong dagat na sa ngayon ay mahigit 18,000 na, kung saan higit 1,100 ang namatay. Ayon sa gobyerno, sa pagtatapos ng 2021 ay aabot sa isang milyong overseas Filipinos (OF) ang magiging “displaced” dahil sa pandemya. Labas pa dito ang di-mabilang na mga Pilipinong lubos na nabawasan ang kita o kakayahang maghanap-buhay at yaong mga patuloy na dumaranas ng ekslusyon o diskriminasyon sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Hindi na sila makaagapay kaya’t napakahalagang makatanggap sila ng agarang suporta at serbisyo.
Ngunit hindi naman sapat ang programa, serbisyo at ayudang pang-ekonomya ng gobyerno. Dahil sa kabi-kabilang problema sa proseso ng repatriation at quarantine, maraming mga Pilipino ang nananatiling stranded sa ibang bansa at mas marami ang nagpapasyang huwag umuwi sa kabila ng pagkawala ng kabuhayan. Maraming paalis na OFW din ang naipit sa Pilipinas dahil sa kawalan ng mabilis at malinaw na programa ng swab testing, bakuna at proteksyong pangkalusugan – mga mahihigpit na rekisitos sa destinasyong bansa. Napakalimitado ng nabigyan at napakaliit ng Php10,000 mula sa DOLE-AKAP para magsilbing pang-agapay sa kanilang pinagdadaanan.
Sa ganang ganito at sa paniniwalang dapat magkaroon ng #AyudangSapatParaSaLahat, kaming mga migrante, kapamilya at tagapagtaguyod, ay nagbubuklod upang kamtin ang mga sumusunod na panawagan:
A. Para sa pamilya ng OFWs:
- Php10,000 ayuda sa bawat pamilya ng OFW na nasa loob o labas ng Pilipinas.
B. Para sa lahat ng OFWs:
- $200 ayuda sa lahat ng OFWs na nakauwi o nananatiling nasa labas ng bansa, sea-based o land-based, dokumentado o undocumented na displaced, madi-displace o lubhang nabawasan ang kita dahil sa pandemya, labas sa benepisyong kanilang matatanggap o natanggap sa DOLE-AKAP.
C. Para sa napauwing OFWs:
- Php20,000 ayudang pangkabuhayan sa bawat isang OFW na napauwi sa Pilipinas dahil sa pandemya.
- Php30,000 badyet para sa pag-uwi sa tahanan, quarantine, swab test at iba pang pangangailangang pangkalusugan ng bawat napauwing displaced OFW.
D. Para sa OFWs na nawalan ng tahanan at stranded sa ibang bansa:
- Pagtatayo ng disenteng temporary shelters sa labas ng bansa para sa lahat ng OFWs na nawalan ng kabuhayan at matitirhan dulot ng pandemya.
Nagkakaisa namingisusulong at kakamtin ang lahat ng panawagang ito sa pamamagitan ng:
- Pagtutulak sa mababang kapulungan at senado na isabatas ang mga kahilingang ito kasama ng iba pang kinakailangang ayuda ng mamamayan;
- Pagpapa-sertipika kay Pangulong Duterte sa mga panukalang ito bilang urgent bill;
- Paglulunsad ng mga dayalogo, lobbying at iba’t-ibang porma ng sama-samang pagkilos bago at maging pagtapos ng SONA ni Pangulong Duterte;
Upang makaahon sa pandemya, matibay kaming magbubuklod tungo sa pagkakamit ng ayudang nakasasapat para sa bawat migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya.