Mga istranded na Pinay sa Saudi, dismayado sa aksyon ng Embahada at POLO, iginiit kay Duterte ang agarang pagpapauwi

Sa pamamagitan ng isang “indoor protest“, iginiit ng mahigit 30 kababaihang OFWs na mahigit dalawang buwan nang istranded sa Saudi Arabia na sila ay kagyat na mapalaya mula sa abusadong employer at mapauwi na sa Pilipinas.

Indoor Protest

Ayon kay Kristine Arevalo, tagapagsalita ng grupo, si Pangulong Duterte na mismo ang inaasahan nilang umaksyon dahil bigo ang mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang kahilingan. “Lahat na ay napuntahan namin. Ang sabi lang ng Embassy wala silang magagawa dahil hindi nila hawak itong case namin. Ang POLO naman ang sinasabi, ang kaya lang nila gawin ay makiusap sa aming employer.”

Ang mga apektadong OFW ay tapos na ang 3-taong kontrata bilang Patient Attendants sa ilalim ng kumpanyang Al Samama Group of Companies at ni-deploy ng mga agency na: Placewell International Services, Ozem Intenational Placement, Greengate Manpower, Al Batra Recruitment na ang iba ay may problema na sa kanilang lisensya sa POEA.

Ayon sa mga OFW, maraming naging paglabag sa kontrata ang employer tulad ng underpayment, delayed na pagpapasahod, hindi makatarungang salaray deductions at lipas na mga iqama. Tiniis nila ng tatlong ang ganitong palakad alang-alang sa kanilang pamilya subali’t hindi na nila pinalampas ang panggigipit ng employer sa kanilang pag-uwi.

“Kung tutuusin hindi namin kailangan makiusap kasi tapos namin ang mga kontrata namin. Three years kami mahigit dito at sobra pa sa kontrata. Bakit kailangan pang maki-usap eh karapatan naming umuwi. Karapatan naming makuha ang mga benepisyo namin.” giit ni Arevalo.

Sa liham ng mga OFW kay Pangulong Duterte, inireklamo nila na tila “nabayaran na” ang POLO ng kanilang employer dahil pumayag daw ito sa “pwersahang” pag-extend sa pagpapatrabaho sa mga OFW sa kundisyong pauuwiin na lamang sila sa Pebrero.

“Napaka-unfair naman po. Mag-fo-four years na nga kami dito tapos maghihintay pa kami ng February. Gusto na nga namin umuwi, Ayaw na namin magtrabaho dito!” paliwanag ni Arevalo.

Ayon sa Migrante na tumutulong ngayon sa kanila, ganito rin ang kalagayan ng libo-libong iba pang OFW sa Saudi Arabia na istranded din. Lumolobo ‘di umano ang bilang ng istranded bilang epekto ng “pabagsak na ekonomiya” ng bansa at dahil sa patakarang Saudization.

“Ang masaklap nito, alam na ng administrasyong Duterte ang magiging hagupit sa OFWs ng krisis sa Saudi Arabia subalit wala pa rin itong komprehensibong plano kung paano tutulungan ang mga OFW. Puro pa-bida, wala namang aksyon.” pahayag ni Arman Hernando, Tagapangulo ng Migrante Philippines.

Ayon kay Hernando, isang malaking insulto sa mga OFW at kanilang pamilya ang ginawa ni Duterte nang payagan nitong dumagsa ang mga manggagawa sa Tsina. “Sa ngalan ng pagpapakatuta sa Tsina, ang trabaho na para sana sa mga Pilipino ay binigay pa sa iba.”

VIDEO: https://www.youtube.com/watch?v=OLDoZl8wrvw