Ngayong Pandaigdigang Araw ng Manggagawa, mangahas na nakikibaka ang mga migranteng Pilipino para sa manggagawa at mamamayan ng Pilipinas. Kasama natin sa paglaban ang mga inaaping sektor sa ating inang bayan. Kaisa din natin ngayon ang mga kapwa migrante, manggagawa, at aping mamamayan ng buong mundo. Tahakin natin ang landas ng paglaban sa mga atake sa paggawa at isulong ang adhikain ng pambansa at panlipunang paglaya. Sa landas na ito, makakamit natin ang makabuluhang pagbabago kasama ang ating mga pamilya at komunidad sa ating bayan.

Lumalaban ngayon ang mga migranteng manggagawa para sa kagyat na ginhawa para sa masang anakpawis. Itinataas natin ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas. Matagal nang dapat itinaas ang minimum na sahod sa Php 1,200 living wage sa buong bansa. Ngunit hinahadlangan ang pagtaas ng sahod ng mga dayuhan at lokal may-ari ng kapital, kasabwat ang pamahalaang Marcos Jr at ang amo nitong imperyalismong US. Tinutulak nila ang mga neoliberal na atake sa sahod, trabaho, at karapatan para sa kanilang pagyayaman at pagkontrol sa ekonomiya at pulitika ng bansa.

Habang binabarat ang uring manggagawa, lalong naghihirap ang ating mga pamayanan. Dumadami ang bilang ng mga pamilyang nagugutom at kinikilala ang sarili bilang mahihirap. Sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr, maging ang mga Duterte na nagpahirap din sa mamamayan, wala tayong maaasahang ginhawa sa kabuhayan.

Hindi malayo ang usapin ng barat na sahod sa migranteng manggagawang Pilipino. Ang kawalan ng kabuhayan sa ating bansa ang siyang nagtutulak sa libo-libo nating kababayan na mangibang-bansa araw-araw. Sa ating bayan, apektado rin ang pamilya natin sa isyu ng mababang sahod dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, kuryente at tubig at pang araw-araw na pangangailangan.

Kahit sa pagtatrabaho sa ibang bansa, itinatakda at ipinapako ng estado ng Pilipinas ang sahod ng mga migranteng manggagawa sa antas na mababa. Lalo tayong tinutulak palabas ng bansa ng Labor Export Program, kung saan binebenta ng estado ang ating lakas paggawa sa ibang mga bansa sa murang halaga. Binabarat ng sahod ng mga migranteng land at sea-based at pagdami ng mga kaso ng wage theft sa ibang bansa. Ngayon, ang Php 1,200 National Minimum Wage ang nagsisilbing alternatiba sa paghihirap na dinadaranas kapwa ng mga manggagawa sa ating bayan at tayong mga migranteng manggagawa.

Saludo kami sa mga manggagawang nagtitipon at nagmamartsa ngayon para isulong ang Php 1,200 National Minimum Wage at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Sa ika-45 na anibersaryo nito, malugod naming binabati ang Kilusang Mayo Uno, ang sentrong unyong nagsisilbing tagapagmandila ng tunay, palaban, at makabayang unyonismo. Nangunguna sila ngayon sa laban para sa National Minimum Wage at sa kagyat na ginhawa para sa manggagawa at mamamayan. Dalhin natin ang kanilang misyon sa mangahas na pagpapalawak at pakikibaka mula Pilipinas hanggang bawat dako ng mundo.

Bilang alyansa ng mga migranteng manggagawa, mangahas tayong manguna sa laban ng ating mga kababayan sa ibayong dagat. Ating labanan ang mga pasista at neoliberal na atake sa kapwa nating mga migrante. Patuloy nating singilin ang mga Marcos at panagutin ang mga Duterte sa mga atake at krimen nila sa mamamayan. Kaisa ang mga kapwa manggagawa at migrante sa iba’t-ibang mga bansa, sama-sama nating labanan at ibagsak ang imperyalismong US na siyang nagtutulak ng mga neoliberal na atake sa mga mamamayan ng daigdig.

Higit sa lahat, itaguyod ang ating papel bilang mga migranteng manggagawa: pamunuan natin ang pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba sa Pilipinas.

Itaas ang sahod para sa Pinas! Nakabubuhay na sahod, Php 1,200 nationwide!

Labor Export Program, ibasura!

Makibaka para sa pambansang demokrasya!

Manggagawa at aping mamamayan ng daigdig, magkaisa!