Migranteng Pilipino, Magkaisa! Isulong ang laban ng EDSA para sa demokrasya, hustisya, kasarinlan at soberenya!

25 Pebrero 2024

Ang paggunita sa ika-38 taon ng EDSA ay pag alaala sa naging laban ng mamamayan na nagpatalsik sa diktador na si Marcos Sr. Pero higit pa sa pag-alaala, isinusulong din ng Migranteng Pilipino at kanilang pamilya ang naging pagkilos laban sa Tiraniya, Pasismo at dayuhang kontrol.

Tampok na laban sa panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka para sa demokrasya. Bahagi nito ang sistematikong pambubusabos sa karapatang pantao. Matingkad dito ang pagmanipula sa pambansang halalan, ilegal na pag-aresto at pagpapapakulong kahit walang nakasampang kaso, pagbibigay pabor sa interes ng mga dayuhan at dambuhalang korporasyon at iba pa.

Bagama’t wagi ang mamamayan sa pagpapatalsik sa dating diktador hindi ito naging lubos dahil nanatili ang ugat ng kahirapan at paghahari ng mga lokal at dayuhang interes. Kaya’t patuloy na namayagpag sa kapangyarihan ang iilan at patuloy na nalugmok sa kahirapan ang kalakhan ng mga mamamayan. Hindi nawala ang paghahari ng mga dinastiyang walang hinangad kundi ang makontrol ang pulitika at patuloy na magkamal ng kayamanan mula sa kaban ng bayan at kayamanan ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, tampok ang bangayan ng mga nasa poder ng kapangyarihan. Nag uunahan sila kung sino ang mas pipiliin na pangunahing tuta ng mga dayuhang interes sa pangunguna ng imperyalistang Estados Unidos at Tsina. Bagama’t US pa din ang pangunahing makapangyarihan sa mundo sa usaping ekonomiya at militar, patuloy pa din ang mga bansa tulad ng Tsina, Rusya at iba pa sa pagkikipagkumpitensya sa imperyalistang US para sa kapangyarihan sa mundo.

Isang porma ng bangayan ng mga nasa poder ng kapangyarihan ang usapin sa charter change o cha-cha. Bagama’t magkakampi sila sa usaping buksan ang pag amyenda sa konstitusyon, hati naman sila sa pang ekonomiyang probisyon lamang – lubos na pagbubukas sa dayuhang pag aari. Ikalawa ay ang usaping pampulitika tulad sa dagdag na palugit sa termino ng mga nasa poder ng kapangyarihan tulad ng Presidente, Bise-Presidente at pagpaparami sa bilang ng mga Senador, pag alis sa Partylist system at pagpapalawig sa termino ng mga nakaupo sa Kongreso. Ibig sabihin, mas lalong pagtitiyak sa kapangyarihan ng mga iilan sa lipunan at lalong pagsasamantala at pang aapi sa mga mas nakararaming mamamayan.

Maging ang araw kung saan ginugunita ang Pebrero 25 bilang araw sa pagpapatalsik sa dating diktador ay biglang isinasantabi at pinawawalang halaga ni Marcos Jr. Nais nitong burahin sa isip ng mga mamamayan ang naging tagumpay at kalimutan ito sa kasaysayan. Pilit na binabago ang naging tunay na takbo ng ating kasaysayan.

Bilang mga migranteng manggagawa at Pilipino sa labas ng bansa, malaki ang naging papel natin sa paggunita sa araw ng Pebrero 25. Naging bahagi tayo sa paglalantad sa mundo ng mga paglabag sa karapatang pantao ng diktador, kanlungan ng mga lider masa na hinahabol ng mga berdugong military ni Marcos Sr., ang pag trato sa atin bilang mga kalakal at paggamit sa atin bilang pinagkukunan ng kitang dolyar sa pamamagitan ng ating mga remittances at marami pang iba.

Sa ngayon, patuloy ang paglubog sa ekonomiya ng bansa dahil sa sumisirit na presyo ng mga bilihin at mga singilin sa kuryente, tubig at iba pang mga bayarin. Halos wala ng halaga ang minimum na sahod sa bansa at hindi na nakakasapat para mabuhay. Kaya ito din ang kondisyon na nagtutulak sa libo-libong mga mamamayan na lumabas ng bansa para maghanap ng paraan para kumita at mabuhay. Habang sa kabilang banda naman, patuloy na kumikita sa dugo at pawis natin, patuloy din tayong nakararanas ng pagpapabaya at tinatalikuran ng kasalukuyang rehimen.

Kaya makiisa at aktibong lumahok sa mga pagkilos sa ating mga lugar sa darating na Pebrero 25. Pakilusin natin ang ating mga pamilya at kaibigan para lumahok sa pagkilos sa EDSA sa Pilipinas. Sama-sama nating ipaglaban ang demokrasya, hustisya, kasarinlan at soberenya ng Pilipinas!

Mabuhay ang diwa ng EDSA!
Isulong ang demokrasya at kalayaan na laban ng EDSA!
Mabuhay ang Migrante at Sambayanang Pilipino!

###