Disyembre 10, 2021
Sa araw na ito ginugunita natin ang pandaigdigang araw ng Karapatang Pantao. Nag-umpisa ang paggunita na ito matapos mapagkaisahan sa United Nations General Assembly noong 1948 ang “Universal Declaration of Human rights”. Isa itong makabuluhan at makasaysayan dahil kinikilala ng UNDHR ang karapatan ng bawat indibidwal maging ano man ang lahi, kulay, relihiyon, kasarian, pananalita, politika o opinyon, pinagmulan o kapanganakan o iba pang katayuan sa lipunan. Sa madaling salita’y magkakapantay-pantay ang bawat nilalang sa mundo.
Pitumput-Tatlong (73) taon na ang nakalipas, matapos na aprubahan ang UNDHR, lapat nga ba sa katotohanan ang sinasasaad nito na pagkakapantay-pantay ng bawat indibidwal? Kung titignan mo sa bawat bansa, masasabi mo na hindi pantay-pantay ang kalagayan ng mga bansa. Lalong hindi magkakapantay ang katayuan sa buhay lalo pa ang karapatan ng isang indibidwal.
Pero higit pa sa karapatang indibidwal ay ang kolektibong karapatan o karapatang pang komunidad o ng buong mamamayang pinagsasamantalahan.
Kung titignan natin ang kolektibong karapatan natin bilang isang sektor ng migranteng Pilipino o mga Pilipino sa ibayong dagat, umiiral ba ang pagkilala sa ating mga karapatan? Ang karapatan na mabuhay ng desente, malaya at may dignidad, may hanapbuhay at kakayanang buhayin ang pamilya sa sariling bansa.
Marami sa atin ang napipilitan na lumabas ng bansa dahil ang mga karapatan na ito ay pinagkakait sa atin ng ating gobyerno. Imbis na maayos at desenteng hanapbuhay sa sariling bansa, pagpapalabas o pagkalakal sa atin sa ibayong dagat ang ginagawa. Kaya mahigit na sa sampung porsyento ng ating mamamayan ang nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa.
Marami sa mamamayang Pilipino ang tumututol sa ganitong kaayusan at hindi pagkilala sa karapatang Pantao. Halos lahat ng sektor ng lipunang Pilipino, maging mga manggagawa, magsasaka, estudyante, mababang propesyunal, pambansang katutubo, maralitang lungsod, kababaihan at iba pang sektor ang mulat na sa kalagayang ito at ipinaglalaban ang karapatan na mabuhay ng desente at kilalanin ang kanilang mga karapatan sa nakabubuhay na sahod, tunay na reporma sa lupa, libreng pag aaral, proteksyon at seguridad sa hanapbuhay, pabahay, libre at komprehensibong serbisyong pangkalusugan at marami pang iba.
Pero imbes na pakinggan at kilalanin ang mga karapatan na ito, pananakot, red tagging, pagbuwag sa picket line at protesta, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at mas masahol pa ay EJK o Extra Judicial Killings. Ito ang tatak ng kasalukuyang rehimen ni Duterte. Sa halos anim na taon na pag upo nito sa Malacanang, kabi-kabilang pag-aresto at pagpataw nang gawa-gawang kaso at pagpatay ang ginawa nito sa mga mamamayang nakikipaglaban para sa kanilang mga batayang karapatan.
Bloody Sunday Massacre
Marso 7, 2021 naganap ang malagim na pagpatay sa syam na mga aktibista at anim na iba pa na mga inaresto sa lugar ng CALABARZON at tinatawag itong “Bloody Sunday Massacre”. Naganap ang malagim na trahedyang ito dalawang araw matapos ideklara ni Duterte ang sumusunod: “I’ve told the military and the police, that if they find themselves in an armed encounter with the communist rebels, kill them, make sure you really kill them and finish them off if they are alive.”
Walang awa na pinagpapatay ng mga militar at polisya, AFP-PNP kahit wala itong pinakitang anumang aksyon ng paglaban at ang mga biktima ay mga kilalang hayag na lider at tumutulong sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan. Habang ang iba ay ilegal na inaresto at pinatawan ng gawa-gawang kaso.
Isa sa mga pinaslang ay si Manny Asuncion, Secretary-General ng Bagong Alyansang Makabayan- Cavite. Ilan pa sa mga napatay si sina Chai Lemita Evangelista at Ariel Evangelista. Ang mag aasawa ay kasapi ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA). Naligtas ang kanilang 10 taon na gulang na anak na nakasaksi sa malagim na pagpatay sa kanyang mga magulang.
Iloilo Bombing
Nitong Disyembre 1, 2021 naganap ang walang habas na pambobomba ng AFP sa Sityo Burak, Barangay Alimodias, Bayan ng Miag-ao, Iloilo. Gumamit sila ng malalakas at malalaking mga bomba tulad ng kanyon at 105mm Howitzer na ayon sa mga residente ay lumikha ng 15 piye at 20 piye ang lapad na hukay. Sumira din ito ng kagubatan at mga pinagkukunan ng kabuhayan at pagkain ng mga nakatira sa nasabing lugar. Tinatayang marami ang mga namatay sa pambobomba ng AFP pero dahil sa karamihan ay hindi na makilala at gutay-gutay ang mga parte ng katawan nito, 8 ang natukoy na napatay.
Ang insidente na ito ay mariin na kinokondena dahil sa walang habas na paglabag sa karapatang pantao at pag wasak sa kalikasan. Paglabag din ang pambobomba na ito sa International Humanitarian Law. At,nangyari ito matapos ipagpaliban ng ICC ang pagimbestiga kay Duterte at mga kasapakat nito sa malalang paglabag sa karapatang pantao na maaari nang ituring na crime against humanity.
Iba pang mga kaso ng pagpatay, ilegal na pag aresto at iba pang HRVs
Isa sa mga pinaslang sa panahon ng rehimen ni duterte ay si Jory Porquia, isang dating OFWs na nagtatrabaho sa bansang Saudi, Singapore at China at naging organisador ng MIGRANTE International. Matapos ang mahabang taon na pagiging OFWs ay bumalik sa kanyang probinsya sa Iloilo. Pinaslang ng militar matapos itong magtulak ng isang proyektong libreng pakain o “community kitchen” sa komunidad.
Tampok din sa mahabang listahan ng mga pinatay na mga aktibista sa panahon ni Duterte si Zarah Alvarez, Carlito Badion, Randall Echanis, Randy Malayao at marami pang iba. Punong-puno ng dugo ang mga kamay ni Duterte. Lantak na mga paglabag sa karapatang pantao ang administrasyon ni Duterte. HIndi pa kabilang dito ang libo-libong mga pinatay ng walang katarungan ang mga biktima sa war on drug o kampanyang tukhang.
Nakaamba din sa lalong pagkawasak ng karapatang pantao sa Pilipinas ang pagpapatupad sa Anti-Terror Law kung saan maaaring ikulong ang sinoman ng halos 24 na araw ng walang warrant of arrest at matapos na mapagbintangang terorista ng walang masusing imbestigasyon o due process. Tanging ang Anti-Terrorism Council lamang ang nagpapasya kung ikaw ay dapat hulihin at ikulong kahit walang pahintulot mula sa hukuman. Kaya’t panibagong hamon ito sa ating karapatang pantao. Kahapon lamang naglabas ang Supreme Court ng press release na sinasabing naaayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ang ATL maliban sa Sec 4 at Sec 25.
Sa darating na halalan ng 2022, huwag nating hayaan na manatili si Duterte sa poder ng kapangyarihan. Biguin natin ang pagtatangka nito na protektahan ang sarili laban sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC sa pamamagitan ng pagpapatakbo sa anak nitong si Sara Duterte at maging ang kanyang super alalay na si Bong Go. Maging si Digong mismo ay tatakbo bilang Senador. Itulak natin ang inilabas na Overseas Filipinos 10-point Electoral Agenda sa mga politiko na tatakbo bilang Pangulo at Ikalawang-Pangulo at mga Senatoriables. Sukatin natin ang kanilang commitments batay sa ating mga kagyat at matagalang kahilingan.
Sa kabilang banda, kailangan din biguin ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos. Sa pagtakbo ni Marcos Jr. magtitiyak ito sa panunumbalik ng mga Marcos na nag dambong sa kabang yaman ng bansa, pumatay sa maraming mga aktibista at oposisyon at nagpakulong sa mas marami pa. Huwag nating hayaan na makabalik ang mga mamamatay tao, mandarambong at magnanakaw sa gobyerno.
Bagama’t nagkokonsolida ng hanay ang mga mandarambong (MADNESS), Marcos, Duterte, Estrada at Arroyo, ipagpatuloy natin ang ating pagiging mapagbantay o vigilant sa pagtatanggol sa karapatang pantao kahit pa ito ay patuloy na niyuyurakan ng mga iilang mapag samantala sa lipunan kabilang ang mga dayuhang monopolyo kapitalista o Imperyalismo.
Nananawagan din tayo sa International Criminal Court na ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs ni Duterte at papanagutin ito sa kanyang mga kasalanan. Kasabay nito ang panawagang panunumbalik ng usapang pangkapayapaan para sa mas makatarungan, mapayapa at masaganang lipunan.
Biguin ang panunumbalik ng mga Marcos at pananatili ni Duterte sa kapangyarihan!
Stop the Killings!
Katarungan sa lahat ng biktima ng karapatang pantao!
Labanan ang impunity ng rehimeng Duterte!
Palayain ang mga bilanggong politikal!
Mabuhay ang Migranteng Pilipino!