Mahigpit na pakikiisa at pagpupugay sa Ika-6 na Pambansang Konggreso ng National Union of Peoples’ Lawyers ang ipinahahayag ng Migrante International. Mula nang maitatag ang NUPL noong 2007, naging katuwang na ang mga makabayang manananggol sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino, sa loob at labas ng bansa.
Magkasamang pinaglalaban ng NUPL at Migrante International ang mga usaping Pambansa gaya ng pagtutol sa mga pwersahang pangongotong ng gobyerno sa mga OFWs sa pamamagitan ng SSS, Philhealth at pwersahang insurance. Susi ang papel ng NUPL sa paglaban sa human trafficking at sa pagtatanggol tulad kay Mary Jane Veloso na biktima ng human trafficking at nahatulan ng kamatayan sa Indonesia nang wala namang kasalanan pero matagumpay nating nailigtas noong 2015.
Magkasama rin ang NUPL at Migrante International sa paglaban sa mga red tagging at atake ng gobyerno, NTF ELCAC at mga konsulado laban sa mga migrants’ rights defenders sa ibat ibang panig ng mundo at sa ating bansa.
Binabati namin ang NUPL sa bawat matatamis na tagumpay nito sa mga labanang legal at politikal, at sa katatagan at pagpupunyagi na sinasalamin ng tema ng ika 6 na kongreso nito: Abogado ng Bayan, Tumindig sa Karapatan at Kagalingan ng Sambayanan, Bawiin ang Katotohanan, Ipagtagumpay ang Katarungan!
Maraming salamat sa mga abogadong hindi nabibili ang prinsipyo at katapangan, dahil walang katumbas ang buhay at karapatan ng mga migrante at mamamayan na inyong pinagtatanggol.
Muli, pagpupugay sa NUPL at mabuhay ang mga Abogado ng Sambayanan!
MIGRANTE INTERNATIONAL
Ika-15 ng Oktubre 2022