International Seafarers Action Center
Nitong nakaraang Byernes, Disyembre 12 ng 3:30 pm, mahigit 20 seafarers, kasama ang mga kinatawan ng International Seafarers Action Center (ISAC), Migrante International, Tanggol Migrante Movement at SEANETWORK ang nakipagpulong sa mga opisyales ng Department of Migrant Workers at DFA at mga kinatawan ng 5 manning agencies (Wilhelmsen, TDG, North Sea, Anglo Eastern at CF Sharp). Tatlong malaking manning agency ang hindi nagpakita—ang Open Sea, RCCL at Magsaysay kung saan mahigit 100 seafarers nila ang naapektuhan ng rasista at pasistang immigration policy ni Trump.
Naganap ang pulong dahil sa pagtutulak ng mga seafarers at ng ISAC sa DMW na aksyunan nila ang ginawang pagpapabaya ng kanilang manning agencies sa dinaranas nilang diskriminasyon, pananakot, intimidasyon, sapilitang deportasyon at pag akusa bilang kriminal sa Estados Unidos habang sila ay nagtrabaho sa kanilang mga cruise ships. Ipinanawagan ng mga seafarers sa DMW na ipatawag nito ang mga manning agencies upang harapin ang mga seafarers at sagutin ang mga hinaing nito.
Inabot ng mahigit tatlong oras ang pulong kung saan matagumpay na iginiit ng ISAC at ng mga seafarers sa dayalogo na walang matibay na ebidensya o sapat na batayan ang Customs and Border Patrol Agents ng Estados Unidos para ikansela ang kanilang visa.
Pinaliwanag din nila na pagkauwi ng Pilipinas, sila ay tinanggalan ng kabuhayan, pinutulan ng kontrata at hindi tinulungan ng kanilang mga manning agency para makapag apila o mabigyan ng legal assistance para maipagtanggol ang kanilang kaso at matulungan na magkaroon ng alternatibong trabaho na hindi kinakailangan ng US visa. Sinabihan na lamang sila ng kanilang manning agency na wala silang magagawa at hindi man lang nagsagawa ng sariling imbestigasyon. Nahirapan din ang mga seafarers sa pagkuha ng mga assistance sa iba’t ibang government agencies at nakakaranas din sila ng dagdag na diskriminasyon kapag sila ay nag apply ng ibang trabaho sa ibang mga manning agencies.
Matapang na tumindig ang mga seafarers para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at ang kanilang mga panawagan sa hustiysa, trabaho, proteksyon at ayuda.










Naging mabunga ang pulong at matagumpay na nakamit ng mga seafarers ang mga sumusunod:
1. Magbubukas ang DFA ng courtesy lane sa lampas 100 na mga apektadong seafarers para sa mas mabilis na pagproceso ng kanilang bagong pasaporte.
2. Nag commit ang DFA na kausapin ang PH Embassy sa Washington D.C. hinggil sa posibilidad na mabigyan ng extension period ang mga seafarers para makapag apply ng appeal sa kanilang revoked/cancelled visa at I-waive ang fee sa appeal application.
3. Ibinahagi ng DFA na pag-aaralan ang paglabas ng isang Diplomatic Protest pagkatapos nitong aralin ang mga isusumiteng salaysay ng mga seafarers.
4. Ang mga dumalong manning agencies ay nag commit sa DMW na i-rehire ang kanilang mga crew.
5. Binigyan ng DMW ang mga seafarers ng ayudang pinansyal sa pamamagitan ng Aksyon Fund Assistance at matatanggap nila ito sa Lunes, Disymebre 15
6. Tutulong ang DMW sa mga seafarers na na deny ng kanilang application for SSS benefits o DSWD assistance.
7. Mabibigyan ang mga seafarers ng legal assistance ng DMW.
8. Ipapatawag ng DMW ang mga manning agencies na hindi dumalo sa pulong para magkaroon ng pagkakataon ang mga seafarers na harapin sila.
Mabuhay ang mga seafarers na lumalaban! Tuloy tuloy ang laban!
SA MGA SEAFARERS NA NA DEPORT OR NA REVOKE ANG KANILANG US VISA, UMUGNAY LAMANG SA TANGGAPAN NG ISAC
TUMAWAG SA: 0917-560-6684








